Isang matagumpay na operasyon ang isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Labo Municipal Police Station, Provincial Intelligence Unit, Provincial Drug Enforcement Unit, at 2nd Provincial Mobile Force Company, ayon sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office V, laban sa iligal na droga sa Brgy. Calabasa, Labo, Camarines Norte kaninang madaling araw, Marso 24, 2025.
Dakong alas-2:30 ng umaga, ipinatupad ng mga operatiba ang Search Warrant No. 25D-0129 na inisyu ng Presiding Judge ng RTC Branch 64, Labo, Camarines Norte, noong Marso 20, 2025. Sa naturang operasyon, naaresto ang isang suspek na kinilala sa alyas na “Manny,” 33 taong gulang, may kinakasama, at kasalukuyang caretaker ng isang niyogan sa nasabing lugar.
Nasamsam sa operasyon ang di pa matukoy na bigat at halaga ng iligal na droga. Bukod dito, nakuha rin ang isang (1) kalibre .38 na revolver na walang serial number at tatak, na kargado ng tatlong (3) bala at dalawang (2) dagdag na bala na nakalagay sa isang brown leather sling bag.
Ang tamang proseso ng pagsamsam, imbentaryo, at pagmamarka ng mga nakumpiskang ebidensya ay isinagawa sa harap ng mga opisyal ng barangay at isang kinatawan ng media bilang mga itinakdang saksi. Ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Labo MPS para sa kaukulang disposisyon.
Patuloy na pinaaalalahanan ng Labo MPS ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon upang labanan ang iligal na droga at mapanatili ang kapayapaan sa komunidad.




Source:CNPPO & LABO MPS