LALAKI PATAY SA PAMAMARIL SA BAYAN NG LABO; PNP NANANAWAGAN NG IMPORMASYON

LALAKI PATAY SA PAMAMARIL SA BAYAN NG LABO; PNP NANANAWAGAN NG IMPORMASYON

Labo, Camarines Norte – Patay ang isang negosyante matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa Brgy. Malasugui, Labo, Camarines Norte, bandang alas-6:00 ng gabi nitong Marso 24, 2025.

Kinilala ang biktima bilang si alyas “Boy,” isang negosyante at residente ng naturang barangay. Ayon sa ulat, biglang pumasok sa isang hotel ang dalawang lalaking naka-helmet at walang sabi-sabing pinaputukan ang biktima gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Agad isinugod si “Boy” sa Camarines Norte Provincial Hospital ngunit idineklarang dead on arrival bandang alas-6:30 ng gabi. Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng dragnet operations ang pulisya upang matunton ang mga salarin. Nakikipagtulungan din ang Regional Special Operations Unit (RSOU 5) sa imbestigasyon upang alamin ang posibleng motibo ng krimen at pagkakakilanlan ng mga suspek.

Hiniling ng Labo Municipal Police Station ang tulong ng Camarines Norte Provincial Forensic Unit (CNPFU) upang iproseso ang crime scene at makakuha ng mahahalagang ebidensya.

Nanawagan naman ang pulisya sa publiko na makipagtulungan sa imbestigasyon. Sinumang may impormasyon hinggil sa insidente ay hinihikayat na lumapit sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya upang matulungan ang mga awtoridad sa agarang pagkakadakip ng mga suspek.

Source: LABO MPS