Sta. Elena, Camarines Norte – Tatlong katao, kabilang ang isang menor de edad, ang nasawi matapos malunod sa karagatang sakop ng Purok 5, Barangay Maulawin, Sta. Elena, Camarines Norte.
Bandang alas-5:40 ng umaga nitong Abril 3, 2025, nakatanggap si PCPT NOEL M ARIMADO, Deputy Chief of Police ng Sta. Elena MPS, ng ulat mula kay Brgy. Kagawad Gutierrez ukol sa natagpuang bangkay na hinihinalang nalunod. Agad na nagtungo ang mga tauhan ng Sta. Elena MPS upang magsagawa ng imbestigasyon.
Kinilala ang mga biktima bilang sina alyas “Esie,” 32 taong gulang; alyas “Crisa,” 35 taong gulang; at ang anak nitong si alyas “Rose,” 13 taong gulang—pawang residente ng nasabing barangay.
Ayon sa imbestigasyon, alas-11:00 ng umaga nitong Abril 2, nagpunta ang mga biktima sa dagat upang mangalap ng kabibe (bangkalan) habang low tide. Habang pauwi, inabutan sila ng high tide at posibleng tinangay ng malakas na alon.
Natagpuan ang bangkay ni alyas “Esie” bandang alas-4:00 ng umaga nitong Abril 3, sinundan ng pagkakadiskubre kay alyas “Crisa” dakong alas-6:00 ng umaga. Sa patuloy na paghahanap ng pulisya, MDRRMO, at barangay officials, natagpuan ang katawan ni alyas “Rose” bandang ala-1:00 ng hapon.
Ang mga labi ng mga biktima ay dinala sa Saavedra Funeral Homes para sa post-mortem examination.
Patuloy ang paalala ng PNP sa publiko na mag-ingat at palaging isipin ang pansariling kaligtasan. Samantala, nakikiramay naman ang kapulisan sa mga naulilang pamilya ng mga biktima.

Source: CNPPO PIO/Sta. Elena MPS

