Vinzons, Camarines Norte – Naaresto ng mga operatiba ng Vinzons Municipal Police Station, sa tulong ng koordinasyon mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office V, ang isang lalaking hinihinalang tulak ng iligal na droga sa isinagawang anti-illegal drug operation sa Brgy. Calangcawan Sur dakong alas-2:30 ng hapon, Abril 9, 2025.
Kinilala ang suspek sa alyas na “ONAD”, 40 taong gulang, binata, at residente ng Brgy. ManCruz, Daet, Camarines Norte.
Ayon sa ulat, nakabili ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ang isang poseur buyer mula sa suspek, na naging hudyat upang ito ay agad na dakpin. Narekober sa operasyon ang hindi pa tiyal na halaga at timbang ng hinihinalang shabu.
Ang operasyon ay isinagawa sa ilalim ng mahigpit na pagsunod sa mga itinakdang legal na proseso. Nasaksihan ng mga opisyal ng barangay at media representative mula sa Brigada News FM Daet ang aktwal na imbentaryo, pagmarka, at dokumentasyon ng ebidensya.
Patuloy ang pinaigting na kampanya ng CNPPI laban sa lahat ng anyo ng kriminalidad, partikular na sa iligal na droga, alinsunod sa direktiba ng pamunuan ng PNP.
Kasalukuyang inihahanda ang kaukulang kasong kriminal laban sa suspek para sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”
Ang tagumpay ng operasyong ito ay patunay ng masigasig na pagtutulungan ng kapulisan, iba pang law enforcement agencies at ng mamamayan sa pagpuksa ng iligal na droga sa probinsya.


Source: CNPPO PIO