Nitong ika-19 ng Abril 2025, bandang alas-8:10 ng gabi, isang insidente ng pananaksak ang naganap sa Purok 1, Barangay Gumamela, Labo, Camarines Norte. Naiulat ito sa Labo Municipal Police Station dakong alas-8:20 ng gabi ng parehong araw.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang biktima na kinilalang si alyas “Alan,” 49 taong gulang, may asawa, at isang construction worker, ay nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan sa nasabing lugar. Dumating umano ang suspek na si alyas “Lito,” 59 taong gulang, may asawa, na noo’y nasa ilalim ng impluwensiya ng alak, at nagpakita ng agresibong asal.
Sa tangkang pagpa-kalma ng biktima sa suspek, nauwi ito sa mainitang pagtatalo na humantong sa pananaksak. Ang suspek ay gumamit umano ng kitchen knife at tinamaan ang biktima sa tiyan at ibabang bahagi ng kaliwang likod. Agad na dinala ang biktima sa Alegre Hospital at kalaunan ay inilipat sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa karagdagang lunas.
Agad namang naaresto ang suspek matapos ang insidente.
Sa kasalukuyan, inihahanda na ng imbestigador ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng karampatang kasong kriminal laban sa kanya.
Source: CNPPO PIO

