Isang insidente sa kalsada ang naganap bandang alas-5:20 ng hapon nitong Mayo 28, 2025 sa Maharlika Highway, Brgy. Guinacutan, Labo, Camarines Norte, kung saan sangkot ang isang puting Hyundai Truck na pag mamay-ari ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na minamaneho ni alyas Jay at isang itim na Burgman Street EX Suzuki na minamaneho ni alyas Josh.
Batay sa imbestigasyon, habang binabaybay ng nabanggit na truck ang Maharlika Highway patungong Brgy. Talobatib, Labo, Camarines Norte, ay sinalubong ito ng motor na nasa kabilang linya na nag-overtake sa isang puting van, dahilan upang bumangga ito sa kaliwang harapang bahagi ng truck. Dahil dito, tumilapon ang motorsiklo at ang drayber nito sa kalsada, na nagdulot ng hindi matukoy na halaga ng pinsala sa parehong sasakyan. Ang drayber ng truck ay hindi nag tamo ng anumang pinsala, samantalang ang drayber ng motor ay nagtamo ng pinsala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at agad na isinugod ng MDRRMO Labo sa Camarines Norte Provincial Hospital ngunit idineklarang dead on arrival ng nakatalagang doktor. Sa isinagawang panayam sa kasamahan ng drayber ng motor, napag-alamang bago ang insidente ay sinundo niya si alyas Josh mula sa Brgy. Lugui kung saan ito ay umiinom ng nakalalasing na inumin kasama ang mga kaibigan, at pagkatapos ay bumiyahe sila sakay ng magkahiwalay na motorsiklo.
Samantala, ang parehong sasakyan at ang drayber ng truck ay nasa pansamantalang kustodiya ng himpilan para sa kaukulang beripikasyon at disposisyon.
Muling pinaalalahanan ng Labo Municipal Police Station ang publiko, partikular ang mga motorista, na maging maingat at responsable sa pagmamaneho upang maiwasan ang ganitong uri ng trahedya. Ayon kay PMAJ JOHN C VILLAFUERTE, ang mahigpit na pagsunod sa mga batas at regulasyon sa kalsada ay makakatulong sa pagpapanatili ng kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng lansangan.
Source: CNPPO PIO

