LABO PNP PATULOY ANG ISINASAGAWANG  IMBESTIGASYON UKOL SA NAGANAP NA SALPUKAN NG  DALAWANG SASAKYAN SA MAHARLIKA HIGHWAY, BARANGAY GUINACUTAN, LABO, CAMARINES NORTE

LABO PNP PATULOY ANG ISINASAGAWANG  IMBESTIGASYON UKOL SA NAGANAP NA SALPUKAN NG  DALAWANG SASAKYAN SA MAHARLIKA HIGHWAY, BARANGAY GUINACUTAN, LABO, CAMARINES NORTE

LABO, Camarines Norte – Isang insidente ng banggaan ang naganap sa kahabaan ng Maharlika Highway, Purok 4, Barangay Guinacutan, Labo, Camarines Norte bandang alas-2:05 ng hapon nitong Mayo 29, 2025.

Sangkot sa aksidente ang isang puting Isuzu Truck (V1) na may plakang ALA 7890, minamaneho ni alyas Adan, 37 taong gulang; at isang Toyota Vios (V2) na may kulay Grayish Blue Mica Metallic at plakang EK 743 B, na minamaneho naman ni alyas Celso.

Batay sa paunang imbestigasyon, habang binabaybay ng Isuzu Truck ang kahabaan ng kalsada mula Mercedes, Camarines Norte patungong sentro ng bayan ng Labo, ang Toyota Vios ay naglalakbay naman mula Labo patungong Daet. Pagdating sa nasabing lugar ng Barangay Guinacutan ay aksidenteng nagsalpukan ang dalawang sasakyan.

Dahil sa insidente, kapwa sasakyan ay nagtamo ng pinsala na kasalukuyang tinataya pa ang kabuuang halaga. Wala namang nasaktan sa panig ng Isuzu Truck, kabilang ang drayber at kanyang helper. Subalit, nagtamo ng mga sugat ang drayber ng Toyota Vios at dalawa nitong pasahero. Agad silang isinugod ng MDRRMO-Labo sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa kinakailangang medikal na atensyon.

Sa ngayon, ang parehong sasakyan, kasama ang kanilang mga drayber at ang helper ng trak, ay nasa pansamantalang kustodiya ng Labo Municipal Police Station para sa patuloy na beripikasyon at legal na disposisyon. Nagsasagawa pa rin ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang tunay na sanhi ng aksidente at kung may pananagutang legal ang sinuman sa mga sangkot.

Samantala, dahil sa sunod-sunod na mga aksidente sa lansangan partikular sa bayan ng Labo, muling nagpapaalala ang Labo PNP sa pamumuno ni PMAJ JOHN C VILLAFUERTE, hepe ng pulisya, sa lahat ng motorista na maging maingat, alerto, at responsable sa pagmamaneho. Ang mahigpit na pagsunod sa mga batas-trapiko ay mahalaga upang mapanatili ang kaligtasan hindi lamang ng mga drayber kundi pati na rin ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng kalsada.

Dagdag pa ni PMAJ VILLAFUERTE, mahalaga ang pagiging disiplinado sa daan lalo na’t patuloy na tumataas ang bilang ng mga aksidente sa mga pangunahing lansangan sa lalawigan. Aniya, “Ang disiplina sa kalsada ay hindi lamang tungkulin kundi responsibilidad ng bawat isa.”

Source: CNPPO PIO