Bandang alas-12:55 ng umaga ng Agosto 18, 2024, matagumpay na naisagawa ang isang buy-bust operation na pinangunahan ng pinagsanib na puwersa ng Paracale Municipal Police Station (MPS) sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ ARKHEMEDES C GARCIA, Officer-in-Charge, kasama ang mga operatiba ng Camarines Norte Philippine Drug Enforcement Agency (CN PDEA), Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), at Camarines Norte 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC). Ang operasyon ay naganap sa Purok 8, Barangay Batobalani, Paracale, Camarines Norte at nagresulta sa pagkakaaresto ng isang lalaking hinihinalang tulak ng iligal na droga.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Kawlo,” isang residente ng Purok 7, Barangay Batobalani, Paracale, Camarines Norte.
Nakumpiska mula sa suspek ang tatlong (3) selyadong pakete ng pinaghihinalaang shabu na nakasilid sa isang itim na lalagyan at isang (1) pinaghihinalaang calibre .22 revolver, na kargado ng apat (4) na bala. Ang pag-iimbentaryo at pagmarka sa mga ebidensiya ay isinagawa sa harap ng mga kinatawan mula sa barangay, isang halal na opisyal, at isang kinatawan ng media, alinsunod sa mga alituntunin ng batas.
Ang inarestong suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa Paracale MPS para sa karagdagang dokumentasyon at kaukulang disposisyon. Kasalukuyan nang inihahanda ang mga kaso laban sa suspek para sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.



