Sa ilalim ng pinaigting na kampanya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), pinangunahan ng mga kapulisan ng Capalonga Municipal Police Station (MPS), katuwang ang CNPIU, 2nd CN PMFC, at 503rd MC RMFB, ang matagumpay na pagsuko ng dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) nitong ika-1 ng Setyembre 2024, bandang 6:30 ng gabi sa Capalonga MPS.
Ang mga nagsisukong personahe ay kinilalang si Alyas “Roy” 43 taong gulang, magsasaka at si Alyas “AL,” 49 taong gulang, may asawa, pawang mga residente ng Capalonga, Camarines Norte. Pareho silang regular na miyembro ng Squad II sa ilalim ni “Ka Bruno” ng CTG KLG 1 SRC 1 ng NPA. Kusang-loob nilang ipinahayag ang kanilang pagsuko at pagnanais na sumailalim sa mga programa ng pamahalaan sa pamamagitan ng NTF-ELCAC at Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).
Kasabay ng kanilang pagsuko, isinuko rin ni Alyas “Roy” ang isang unit ng Caliber .38 na baril na may tinanggal na serial number at tatlong bala, habang isang unit ng hand grenade naman ang isinuko ni Alyas “AL.”
Sa kasalukuyan, ang dalawang indibidwal ay nasa kustodiya ng Capalonga MPS para sa kaukulang beripikasyon at pagproseso ng kanilang mga dokumento at impormasyon.
Ang Capalonga Municipal Police Station ay patuloy na nakikipagtulungan at nakikiisa sa lahat ng sangay ng pamahalaan at lipunan upang tulungan ang mga mamamayan na kasapi ng CPP-NPA-NDF na nagnanais magbalik-loob sa pamahalaan, makapagbagong-buhay, at muling makapiling ang kanilang mga pamilya.

Source: CNPPO PIO

