LALAKI PATAY SA PANANAGA SA BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE

LALAKI PATAY SA PANANAGA SA BAYAN NG LABO, CAMARINES NORTE

Isang lalaki ang agad na binawian ng buhay sa naganap insidente ng pananaga nitong araw ng Miyerkules, Sept. 18, 2024 dakong alas 3:00 ng hapon sa P-6 Brgy. Dalas Labo, Camarines Norte.

Kinilala ang biktima na si alyas “Tito”, 60 anyos, isang magsasaka, may kinakasama at naninirahan sa nabanggit na barangay.

Kinilala naman ang suspek na si alyas “Ton”, 46 anyos, binata at residente ng nasambit na barangay.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa ng Labo Municipal Police Station, unang nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang suspek at ang biktima ng magkita ang dalawa sa niyogan sa nasabing barangay.

Matapos ang pagtatalo ng dalawa ay umuwi ang suspek sa kanilang tahanan at ilang minuto lamang ang nakalipas ay bumalik muli ito na bitbit ang isang itak, at dito nga’y muling nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa.

Sa gitna ng kanilang mainit na pagtatalo ay dito na nangyari ang  pananaga ng suspek sa biktima. Makailang ulit umanong pinagtataga nito ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.

Dinala ng mga rumespondeng pulis ang biktima sa Labo District Hospital subalit idineklara itong Dead on Arrival ng nakatalagang doktor.

Agad namang naaresto ang nasabing suspek  sa isinagawang hot pursuit operation ng Labo MPS at kasalukuyang nasa kanilang kostudiya para sa kaukulang disposisyon.