Marso 18, 2018, Labo, Camarines Norte – Patay ang isang 57 anyos na lalaki matapos tamaan ng lumipad na bubong ng harvester truck habang nagmamaneho ng motorsiklo sa kahabaan ng Maharlika Highway na sakop ng Brgy. Bautisa, Labo, Camarines Norte.
Kinilala ang biktimang si Isauro Garido Agno, 57 anyos, residente ng Purok 2, Brgy. Calabasa ng parehong bayan.
Ayon sa imbestigasyon ng Labo PNP, dakong 9:20 kaninang umaga habang sakay ng motorsiklo at binabagtas ng biktima ang naturang highway patungong sentro ng bayan ng Labo ay aksidente itong tinamaan ng lumipad na bubong ng isang harvester truck na tinatahak naman ang kabilang kalsada patungo sa bayan ng Daet.
Hindi na nakaligtas pa ang biktima matapos mabasag ang helmet nito at magtamo ng malubhang injury sa ulo mula sa pagtama ng nasambit na bagay na yari sa lata at bakal.
Dinala na sa punerarya sa bayan ng Labo ang bangkay ng biktima.
Nasa kustodiya na rin ng Labo PNP ang driver ng truck na napag alamang pag aari ng Microbase Transport Equipment Company Incorporated na nakabase sa Olongapo City.
Camarines Norte News
Photos courtesy of Peejay Molina