Marso 27, 2018, Camp Elias Angeles, Pili, Camarines Sur— Isang engkuwentro ang naganap sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at mga miyembro ng teroristang New Peoples Army (NPA) sa Barangay Agao-ao, Ragay, Camarines Sur dakong ala una diyes ng hapon nitong nakatalikod na Marso 25, 2018.
Ang nasabing sagupaan ay nangyari ng magsagawa ng isang operasyon ang pinagsanib na puwersa ng kasundaluhan mula sa 9th Infantry Battalion , 93rd Division Reconnaissance Company, at 22nd Infantry Battalion kung saan naabutan nila sa nasabing lugar ang tinatayang 20 kasapi ng KSPN 1, Larangan 2, Komiteng Probinsya 1 ng Bicol Regional Party Committee (BRPC).
Sa ulat na ipinaaabot sa punong himpilan ng 9th Infantry Division, umabot sa halos 35 minuto ang naging palitan ng putok ng magkabilang panig kung saan nakuha sa pinangyarihan ng insidente ang tatlong improvised explosive device (IED), limang (5) backpack na naglalaman ng personal na kagamitan, isang laptop, isang cellphone, walong blasting cap, at mga subersibong dokumento.
Samantala, wala namang naiulat na nasaktan sa tropa ng pamahalaan habang hindi matukoy sa panig ng kalaban. Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang isinasagawang pagtugis ng mga kasundaluhan sa nagsitakas na mga terorista.
Sa pahayag ng pamunuan ng 9ID, sinabi nitong patuloy ang pagpapaigting ng mga isinasagawang operasyon ng mga kasundaluhan sa rehiyon upang mahadlangan ang anumang karahasang binabalak ng mga terorista kaugnay ng kanilang nalalapit na anibersaryo.
Kasabay ng mga inilulunsad na mga operasyon, sinabi naman ng 9ID na bukas ito sa mga community based dialogue na siyang maaaring maging daan para sa mga nagnanais na sumuko at magbalik loob sa pamahalaan. Muli ring nagpaalala ang pamunuan ng 9ID sa mga kasapi ng teroristang grupo na hindi dahas at karahasan ang solusyon sa mga kinahaharap na problema kun’di pagkakaisa at pagtutulungan.
For Camarines Norte News