Abril 19, 2020, Daet, Camarines Norte. Malungkot na inanunsyo ni Legazpi city Mayor Noel Rosal ang kaso ng isang namatay na indibidwal sa lungsod dahil sa COVID-19, ang pangalawang kaso ng pagkamatay sa kabikulan at pinakauna naman sa probinsya ng Albay.
Sa isang facebook post ay ibinahagi ng alkalde na sumakabilang buhay na dahil sa nabanggit na karamdaman si Bicol patient no. 19 matapos ang ilang araw nito na pagkaka admit sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa nabanggit na lungsod.
Si Bicol #19 ay isang 74 taong gulang na lalake na residente ng Imperial Court, Legazpi city at nagpositibo sa COVID-19 nito lamang nakaraang April 14, 2020. Siya rin ang pinakamatandang pasyente ng COVID-19 sa rehiyon.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay ang alkalde at ang Department of Health Bicol sa naiwang pamilya ng nasawing pasyente.
Blaise Henry E. Ilan
Camarines Norte News