SELEBRASYON NG UNDAS 2021 SA CAMARINES NORTE, MAPAYAPANG NAIRAOS

SELEBRASYON NG UNDAS 2021 SA CAMARINES NORTE, MAPAYAPANG NAIRAOS

Oktubre 25, 2021 pa lamang ay nakalatag na ang mga kapulisan sa probinsya ng Camarines Norte bilang paghahanda sa pagbabantay sa mga lugar na pwedeng dagsain ng mga tao ngayong Undas.

“Katulad ng nakaraang taon, kaliwa’t kanan ang isinagawang mga aktibidad ng ating mga kapulisan gaya ng pag-anunsyo habang nagpapatrolya, pamimigay ng mga leaflets/flyers sa mga taong nasa pribado at pampublikong lugar, house to house visitations, paglalagay ng mga informational tarpaulins at postings sa mga Official FB pages ng kada Municipal Police Stations dito sa Camarines Norte upang maipaabot sa mamamayan ang pagbabawal ng pagdalaw sa lahat ng pribado at pampublikong sementeryo mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, 2021 alinsunod ito sa alituntuning ibinaba ng IATF laban sa COVID -19. Katuwang din natin dito ang ating mga kaibigan sa media upang maipaabot sa mga tao ang nasabing impormasyon. Sinigurado natin na preparado at nakaalerto ang lahat ng ating kapulisan na nakalatag para mabantayan ang mga sementeryo pati na ang pagdagsa ng publiko sa mga pook pasyalan sa buong probinsya. Kelangan nating matiyak ang kaligtasan ng publiko kaya mas maganda at mas epektibo ang mas pinaagang security preparations natin katuwang ng iba pang mga law enforcers,” pahayag ni Provincial Director PCOL JULIUS D GUADAMOR.

Wala namang naiulat na insidente o krimen na maiuugnay sa selebrasyon ng Undas kung kaya’t pinapurihan ni PCOL GUADAMOR ang lahat ng kapulisan sa probinsya sa dedikasyon ng mga ito at sa masusing pagbabantay at pagganap sa kanilang mga sinumpaang tungkulin. Pinasalamatan din niya ang lahat sa kooperasyon at pakikisa sa adhikaing mapanatili ang pangkalahatang kapakanan ng mga mamamayang CamNorteños para sa matiwasay at ligtas na paggunita sa ating mga minamahal na namayapa. Malaking tulong umano ang suporta na ibinigay ng Provincial at Local Government Units, PNP Force Multipliers, Other Law Enforcement Agencies, Community Support Groups, MDRRMO, Rescue Teams, mga barangay officials at iba pang kawani ng gobyerno na katuwang ng kapulisan sa pagbabantay upang masiguro ang kaligtasan ng ating mamamayan.

Isa pang susi sa mapayapang selebrasyon ng Undas dito sa probinsya ay ang suportang ibinigay ng lahat ng mamamayang CamNorteños. “Hindi natin maisasakatuparan ang mapayapang selebrasyon ng Undas kung ang mismong mga mamamayan ay hindi nakipagtulungan sa atin. Napakalaking bagay na ang mamamayan natin dito sa probinsya ng Camarines Norte ay disiplinado, responsable at may malasakit rin sa ating bayan,” dagdag pa ni PCOL GUADAMOR.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *