Isang aksidente ang naganap bandang alas 8:30 ng umaga nitong Abril 17, 2025, sa Purok 1, Brgy. Sta. Rosa Sur, Jose Panganiban, Camarines Norte. Ayon sa ulat, habang binabagtas ng isang Yamaha SIGHT motorcycle na may plakang 204EGZ ang kalsada mula sa bayan ng Paracale patungong Brgy. Luklukan Norte, bigla umanong pumutok ang likurang gulong nito. Dahil dito, nawalan ng kontrol ang driver at bumagsak ang motorsiklo lulan ng tatlong katao.
Kinilala ang driver na si alyas “Fernando”, 42 anyos, residente ng Brgy. Daguit, Labo at ang mga sakay nitong sina alyas “Weng’, 44 anyos at alyas Bing, 53 anyos, na kapwa residente ng Malacbang,bayan ng Paracale. Agad na dinala ng mga tauhan ng MDRRMO ang mga biktima sa Barrios Hospital subalit sa kasamaang-palad, idineklarang dead on arrival ang pasaherong si Bing. Sugatan naman ang driver at ang isa pang pasahero na si Weng.
Nasa kustodiya na ng Jose Panganiban MPS ang driver at ang motorsiklo para sa masusing imbestigasyon. Inirekomenda rin ng mga awtoridad ang postmortem examination para sa nasawing biktima.
Nagpaalala si PMAJ NORWEN ABELIDA, Hepe ng Jose Panganiban Police, sa publiko na tiyaking maayos ang kondisyon ng sasakyan bago bumiyahe at mahalagang palagiang sumunod sa mga batas trapiko. Nakikiramay naman ang pulisya sa naiwang pamilya ng biktima.
Source: CNPPO PIO