LALAKING MAY KASONG HOMICIDE, NAARESTO SA CAMARINES NORTE!

LALAKING MAY KASONG HOMICIDE, NAARESTO SA CAMARINES NORTE!

Naaresto ng mga awtoridad ang isang 75 taong gulang na lalaki na may kinakaharap na kasong homicide, dakong alas-9:30 ng umaga nitong Abril 22, 2025 sa Purok 7, Barangay Guitol, Sta. Elena, Camarines Norte.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Tonyo,” may asawa at residente ng nasabing lugar. Matagal na itong pinaghahanap ng batas dahil sa kasong homicide na isinampa laban sa kanya noon pang 2012.

Sa isang intel-driven operation na pinangunahan ng Sta. Elena Municipal Police Station (MPS) kasama ang Pagbilao MPS, matagumpay na naaresto ang akusado batay sa warrant of arrest na inilabas ni Hon. Bienvenido A. Mapaye, Presiding Judge ng RTC Branch 55 sa Lucena City. Ang nasabing warrant ay may petsang Hulyo 12, 2012 at may inirekomendang piyansa na nagkakahalaga ng apatnapung libong piso (₱40,000.00).

Ang pagkakaaresto kay “Tonyo” ay bunga ng masusing koordinasyon at pagtutulungan ng mga yunit ng kapulisan mula sa dalawang bayan, bilang bahagi ng patuloy na kampanya laban sa mga wanted na indibidwal.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Sta. Elena MPS ang suspek at inaasahang isasailalim sa tamang proseso para sa kaukulang disposisyon ng kanyang kaso.

Source: CNPPO PIO