CAMARINES NORTE POLICE PROVINCIAL OFFICE, MAS PINAIIGTING ANG MGA HAKBANG PARA SA MAPAYAPA AT MATIWASAY NA HALALAN 2025

CAMARINES NORTE POLICE PROVINCIAL OFFICE, MAS PINAIIGTING ANG MGA HAKBANG PARA SA MAPAYAPA AT MATIWASAY NA HALALAN 2025

Camarines Norte — Bilang paghahanda sa nalalapit na National and Local Elections 2025, mas pinaigting ng Camarines Norte Police Provincial Office sa pamumuno ni POLICE COLONEL ROQUE A BAUSA, Deputy Regional Director for Operations ng PRO5 at kasalukuyang Officer-in-Charge ng CNPPO, ang mga hakbang upang matiyak ang mapayapa, malinis, at maayos na halalan sa buong lalawigan. 

Isa sa mga pangunahing inisyatibo ng CNPPO ay ang patuloy na pagsasagawa ng Oplan Badillo laban sa vote buying at vote selling sa lahat ng barangay sa labindalawang bayan ng Camarines Norte. Bilang dagdag pwersa, nakalatag na rin ang mga Kontra Bigay Teams ng CNPPO, na nakatutok sa pagmamanman, imbestigasyon, at agarang aksyon sa mga ulat kaugnay ng pamimili at pagbebenta ng boto. 

Layunin ng mga operasyong ito na sugpuin ang anumang uri ng katiwalian upang mapanatili ang integridad ng halalan. Bilang suporta sa kampanyang ito, tuloy-tuloy rin ang pagpo-post ng CNPPO sa mga opisyal nitong social media accounts ng mga paalala at impormasyon ukol sa mga legal na epekto ng vote buying at vote selling. Layunin nitong mapalawak ang kamalayan ng publiko at hikayatin ang lahat na makiisa laban sa ganitong iligal na gawain. 

Dagdag pa rito, mahigpit ding ipinatutupad at ipinaaalala ng CNPPO sa publiko ang liquor ban o pagbabawal ng pagbebenta at pagbili ng alak o mga nakalalasing na inumin alinsunod sa Omnibus Election Code at Comelec Resolution No. 11057 na magsisimula nitong Mayo 11 hanggang Mayo 12, 2025. Layunin ng panawagang ito na maiwasan ang mga insidenteng may kinalaman sa pag-inom ng alak na maaaring makaapekto sa kaayusan at kapayapaan sa panahon ng halalan. 

Bukod dito, 24/7 ang operasyon ng mga checkpoint sa bawat boundary ng mga bayan upang bantayan ang galaw ng mga sasakyan at maiwasan ang posibleng pagpasok ng mga armadong grupo o mapanirang elemento. Naitalaga rin ang mga Border Control Checkpoints sa Brgy. Tabugon sa bayan ng Sta. Elena at Brgy. Tuaca sa bayan ng Basud, na nagsisilbing pangunahing bantay sa mga entry at exit point ng lalawigan. 

Walang patid din ang personal na inspeksyon at pagbisita ni PCOL Bausa sa mga municipal police stations at sa mga personnel na naka-deploy sa mga polling centers, katuwang ang mga itinalagang area supervisors. Layunin nitong tiyakin ang kahandaan ng bawat tauhan at ang kaayusan ng mga lugar na pagsasagawaan ng botohan. 

Mas pinaigting rin ang pagbabantay ng kapulisan sa mga terminal ng pampasaherong sasakyan, bilang bahagi ng seguridad para sa mga uuwi sa probinsya upang makaboto. Tiniyak ng CNPPO na ligtas, maayos, at mabilis ang daloy ng mga pasahero sa mga pangunahing terminal, lalo na sa peak days ng pag-uwi ng mga botante. 

Kasama rin sa mga ginagawa ng CNPPO ang aktibong pag-ikot ng Camarines Norte Provincial Medical Team upang suriin ang kalusugan at kondisyon ng mga pulis na naka-deploy sa iba’t ibang paaralan na magsisilbing voting centers. Ito ay bahagi ng mas pinatibay na suporta at pangangalaga sa kapakanan ng mga uniformed personnel na siyang nasa frontlines ng seguridad ngayong eleksyon. 

Sa pangunguna ni PCOL BAUSA, nananatiling matatag ang Camarines Norte Police Provincial Office sa layunin nitong maisakatuparan ang isang ligtas at mapayapang halalan para sa bawat CamNorteño.

Source: CNPPO PIO