Naga City, Camarines Sur — Sa isang makulay at makasining na pagtatanghal na ginanap dakong alas-3:00 ng hapon nitong ika-6 ng Hunyo 2025, tampok ang natatanging talento ni Police Executive Master Sergeant (PEMS) Ryan P Morales ng Capalonga Municipal Police Station sa kanyang One-Man Art Exhibit na may pamagat na “Sari-Saring Sining ng Pag-ibig.”
Ang naturang cultural event ay inorganisa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte at isinagawa sa Museo ni Jesse Robredo sa lungsod ng Naga, Camarines Sur. Layunin ng programa na itaguyod ang sining at kultura, at kilalanin ang mga natatanging talento ng mga lingkod-bayan sa iba’t ibang larangan.
Si PCOL ROQUE A BAUSA, Deputy Regional Director for Operations ng Police Regional Office 5 at kasalukuyang Officer-In-Charge ng Camarines Norte Police Provincial Office, bilang kinatawan ni PBGEN ANDRE PEREZ DIZON, PRO5 Regional Director ang nagsilbing Panauhing Pandangal at Tagapagsalita sa nasabing programa. Bilang bahagi ng kanyang mensahe, kanyang ipinaabot ang makabuluhang pananalita at pagbati ni PBGEN DIZON, na nagpahayag ng lubos na paghanga sa galing at dedikasyon ni PEMS Morales, hindi lamang bilang alagad ng batas, kundi bilang isang tunay na alagad ng sining.
Sa kanyang mga obra na sumasalamin sa iba’t ibang anyo ng pag-ibig, mula sa pagmamahal sa bayan, pamilya, kalikasan, at kapwa, ipinamalas ni PEMS Morales ang lalim ng kanyang damdamin at kakayahan sa pagpinta, na siyang nagbibigay ng inspirasyon sa kapwa pulis at mamamayan.
Ang “Sari-Saring Sining ng Pag-ibig” ay patunay na sa likod ng matatag na paninindigan ng isang pulis, ay may puso ring marunong magmahal at lumikha ng sining na nagbibigay kulay sa ating kultura at pagkatao.
Ang Camarines Norte Police Provincial Office ay buong pusong nagpaparangal kay PEMS Ryan P Morales sa kanyang kahanga-hangang ambag sa larangan ng sining, at umaasang magsisilbi itong inspirasyon sa kapwa kapulisan upang patuloy na linangin ang kani-kanilang talento at husay sa kabila ng kanilang tungkulin sa bayan.
“Ang isang pulis na may puso sa sining ay isang pulis na tunay na naglilingkod mula sa puso.”






Source: CNPPO PIO