Daet, Camarines Norte- Isang anti-illegal drugs operation ang isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Daet MPS, PPDEU/PIU, CN MARPSTA, at RIU 5/PIT Camarines Norte na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang lalaki sa pamamagitan ng drug buy-bust operation.
Naganap ang operasyon dakong alas-7:02 ng gabi nitong Hunyo 7, 2025, sa Purok 1, Barangay San Isidro, Daet, Camarines Norte. Kinilala ang suspek sa alyas na “Nante,” 53 taong gulang, binata, isang drayber, at residente ng Barangay I, Daet, Camarines Norte.
Sa isinagawang operasyon, nakumpirma ang transaksyon sa pagbebenta ng hinihinalang shabu matapos makabili ang isang undercover operative ng isang sachet ng naturang kontrabando mula sa suspek, na agad namang inaresto.
Sa kasalukuyan, patuloy pa ring tinutukoy ang eksaktong timbang at halaga ng nakumpiskang droga. Isinagawa ang imbentaryo at pagmamarka sa mga ebidensiya sa harap ng isang opisyal ng Barangay San Isidro at isang kinatawan ng media, bilang pagsunod sa itinakdang legal na proseso at upang matiyak ang transparency ng operasyon.
Agad namang ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan at dinala siya sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa karampatang medikal na pagsusuri. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Daet MPS para sa dokumentasyon at karampatang disposisyon ng kaso.



Source: CNPPO PIO