PAG-APRUBA NG SENADO SA EDUCATION CLUSTER, IKINATUWA NI SEN. ALAN CAYETANO

PAG-APRUBA NG SENADO SA EDUCATION CLUSTER, IKINATUWA NI SEN. ALAN CAYETANO

Ikinatuwa ni Senator Alan Peter Cayetano ang pag-apruba ng Senado nitong Martes sa panukalang pagtatatag ng isang Cabinet cluster na mag-uugnay sa mga departamento ng edukasyon at iba pang mga kaugnay na ahensya upang sama-samang tugunan ang learning crisis sa bansa.

Inaprubahan ng Senado ang Senate Concurrent Resolution No. 21, na nananawagan sa Pangulo na bumuo ng Presidents Cabinet Cluster for Education  isa sa mga pangunahing rekomendasyon ng Second Congressional Commission on Education o EDCOM II kung saan co-chair si Cayetano.

Pangunahing layunin ng cluster na tiyaking maayos ang pagpapatupad ng lahat ng reporma sa sektor ng edukasyon, at itugma ang sistema ng edukasyon sa mga tunay na pangangailangan ng labor market.

This will pave the way for a common vision for our education sector. When we share the same vision, we can move in the same direction, even if our agencies have different roles, pahayag ng senador. 

Ang cluster ay bubuuin ng mga pinakamataas na pinuno ng Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) bilang mga co-chair. 

Makikipag-ugnayan din sila sa Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Budget and Management (DBM), Department of Economy, Planning and Development (DEPDev o dating NEDA), Department of Science and Technology (DOST), at Professional Regulation Commission (PRC).

Ayon kay Cayetano, mahalagang kasama ang DOLE at DBM para masigurong nakatugon sa employment ang edukasyon at may sapat na pondo para ipatupad ang mga plano at reporma.

Education shouldnt stop at graduation but should lead to employment and a better life. Thats why labor and budget agencies must be part of the conversation from the start, giit niya.

Ang cluster na ito ang mangunguna at magbabantay sa mga inisyatiba ng mga education agencies habang hinihintay ang paglikha sa panibagong komisyon na magpapatuloy sa mga nasimulan ng EDCOM II.

Taong 2024 nang ihain nina Cayetano at kapwa miyembro ng EDCOM II na sina Senador Sherwin Gatchalian, Joel Villanueva, at Aquilino Koko Pimentel III ang nasabing resolusyon.

Binigyang diin ng resolusyon ang matagal nang kakulangan sa koordinasyon sa pagitan ng mga education agencies simula nang ipatupad ang trifocalization noong dekada 90, isang sistema kung saan ang DepEd ang namamahala sa basic education, ang CHED sa higher education, at ang TESDA sa technical-vocational training.

Bagamat layunin nitong linawin ang mga tungkulin ng bawat ahensya, madalas itong nauuwi sa overlapping ng mga programa at watak-watak na reporma.

Nauna nang inaprubahan sa Kamara ang katumbas na resolusyon noong August ng nakaraang taon. Ang approval ng Senado ang kumumpleto sa legislative process para sa nasabing panukala.

Bago ito, nagpahayag na rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng suporta in principle sa panukalang cluster.