DALAWANG KATAO, PATAY SA AKSIDENTE SA KALSADA SA BAYAN NG LABO

DALAWANG KATAO, PATAY SA AKSIDENTE SA KALSADA SA BAYAN NG LABO

Dalawang katao ang nasawi sa isang aksidente sa Maharlika Highway, Purok 2, Brgy. Guisican, Labo, Camarines Norte, dakong alas-4:00 ng hapon nitong Pebrero 17, 2025. 

Ang insidente ay kinasangkutan ng isang Isuzu Close Van Truck na may kulay dark blue metallic ay pagmamay-ari ni alyas May ng Santa Rosa City, Laguna, at minamaneho ni alyas Elmer, 42 taong gulang, residente ng Brgy. Real, Calamba, Laguna. Kasama niya ang kanyang pahinante na si alyas Mark, 20 taong gulang, mula Brgy. Itaasan, Catbalogan, Samar. Samantala, ang Euro Sport 125 single motorcycle ay minamaneho naman ni Ronel Quilas y De Paz, 31 taong gulang, residente ng Purok 2, Brgy. Guisican, Labo, Camarines Norte, angkas ang kanyang 8-taong gulang na anak na babae.

Agad namang nakatanggap ng ulat ang Labo Municipal Police Station mula sa isang concerned citizen tungkol sa naganap na insidente. Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya at ayon sa pahayag ng mga saksi na sina Madel at Gemabel, kapwa residente ng lugar, diumano ay patungo sa Metro Manila ang trak habang ang motorsiklo ay bumabaybay patungong Daet. Nawalan umano ng kontrol ang motorsiklo, dahilan upang masakop nito ang linya ng trak at aksidenteng bumangga sa harapang bahagi nito. 

Dahil sa lakas ng banggaan, parehong nagtamo ng matinding pinsala ang dalawang sasakyan na kasalukuyang nasa Brgy. Hall ng Guisican para sa kaukulang disposisyon. Agad namang isinugod ni Brgy. Kagawad Bogayan ang mag-ama sa Labo District Hospital, ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician. 

Samantala, ang driver ng trak ay nasa kustodiya na ng Labo Municipal Police Station habang patuloy ang follow-up investigation upang matukoy ang iba pang detalye ng nabanggit na insidente.

Source: CNPPO PIO