CNPPO  PATULOY ANG ISINASAGAWANG  MASUSING IMBESTIGASYON SA PAMAMARIL NA NAGANAP SA BAYAN NG CAPALONGA

CNPPO  PATULOY ANG ISINASAGAWANG  MASUSING IMBESTIGASYON SA PAMAMARIL NA NAGANAP SA BAYAN NG CAPALONGA

Capalonga, Camarines Norte — Patuloy ang masusing imbestigasyon na isinasagawa ng Capalonga MPS kaugnay ng insidente ng pamamaril na naganap dakong alas-2:30 ng hapon nitong Abril 27, 2025 sa Barangay Calabaca, Purok 3, bayan ng Capalonga.

Batay sa paunang imbestigasyon, dalawang nakaparadang sasakyan, isang pulang Toyota FJ Cruiser at isang itim na Toyota Land Cruiser Prado ang pinaputukan ng hindi pa nakikilalang mga suspek gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng baril. Tinamaan ng mga bala ang mga gulong ng nasabing mga sasakyan. Gayunpaman, walang pasahero at driver ang nasa loob ng mangyari ang insidente, wala rin nasaktan o nasugatan  habang ang mga sasakyan ay nagkaroon ng hindi pa matukoy na halaga ng pinsala. 

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Capalonga Municipal Police Station at agad na nagsagawa ng malalimang imbestigasyon, kabilang ang pakikipanayam sa mga posibleng testigo. Kasabay nito, inilunsad ang hot pursuit operations ng Intel Team upang habulin ang mga posibleng responsable, habang nagpadala rin ng flash alarm sa mga kalapit na istasyon at yunit ng kapulisan para sa mas pinaigting na dragnet operations sa mga estratehikong lugar. Sinimulan na rin ng mga imbestigador ang pag-backtrack sa mga CCTV footage sa paligid upang matukoy at maaresto ang mga suspek.

Mariing nananawagan ang Capalonga Municipal Police Station at ang buong pamunuan ng CNPPO sa ating mga kababayan na makiisa at makipagtulungan sa kapulisan sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang mahalagang impormasyon na maaaring makatulong sa mabilis na paglutas ng kaso.

Anumang detalye ay maaaring maging susi upang mapanagot ang mga salarin at mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa ating komunidad.

Para sa mga nais magbigay ng impormasyon, maaari pong makipag-ugnayan sa Capalonga MPS sa numerong 0998-598-5953 o personal na magtungo sa himpilan ng pulisya.