Naaresto ng mga tauhan ng Labo Municipal Police Station ayon sa koordinasyon sa PDEA Regional Office V, si alyas Ed sa bisa ng Search Warrant No. 25D-0131. Ang operasyon ay isinagawa nitong ika-28 ng Abril, 2025, ganap na alas-2:10 ng madaling araw sa Purok 5, Barangay Macogon, Labo, Camarines Norte.
Ang naarestong suspek na si alyas “Ed” ay 51 taong gulang, empleyado ng STL, at residente ng nasabing barangay. Ang search warrant ay inisyu ni Hon. Annalie O. Thomas-Velarde, presiding judge ng RTC Branch 64, Labo, Camarines Norte noong Abril 24, 2025.
Sa isinagawang paghahalughog sa tirahan ng suspek, nakumpiska ang limang (5) piraso ng heat-sealed na transparent plastic sachets na naglalaman ng puting kristal na substansiya na pinaghihinalaang shabu, na kasukuyang inaalam pa ng awtoridad ang bigat at halaga nito. Narekober din ang isang (1) piraso ng aluminum foil na ginamit bilang “bangka,” isang (1) pirasong rolled aluminum foil na ginamit bilang “tooter,” isang (1) kulay orange na lighter, at isang (1) Caliber .22 Magnum revolver na walang serial number at may limang (5) bala.
Bukod dito, nakumpiska rin ang halagang PHP 66,450.00 na pera sa iba’t ibang denominasyon, na pinaniniwalaang mula sa ilegal na pagbebenta ng droga. Ang nasabing operasyon ay nasaksihan ng mga mandatory witnesses. Ang suspek at lahat ng nakuhang ebidensiya ay dinala sa Labo MPS para sa tamang disposisyon at dokumentasyon.
Ang Labo MPS ay nagpapaalala sa publiko na magkaisa laban sa kriminalidad at ilegal na droga para sa isang mas ligtas at mas maunlad na komunidad.

Source: CNPPO PIO