IGINIIT ni reelectionist Sen. Lito Lapid na dapat mapanatili ang iconic traditional jeepney sa modernisasyon ng public utility vehicles.
“Kaya naman natin na gawing modernize ang mga traditional jeepney natin, maging aircon para maging komportable ang pagsakay ng ating mga pasahero, at ‘yung iba pa nga pinapatakbo na ng kuryente at solar,” ayon sa senador.
Ayon kay Lapid, chairman ng Senate committee on Tourism, dapat na suportahan at bigyan ng subsidiya ng gobyerno ang mga local manufacturer ng traditional jeepney na gumagawa na ng makabagong sasakyan alinsunod sa
public transport modernization program (PTMP) ng pamahalaan.
“Habang nire-review ang implementasyon nito, tulungan natin ang mga Pinoy manufacturer na makagawa ng makabagong sasakyan na kapareho ng mga traditional jeepney natin, upang sa gayon ay patuloy pa rin natin silang makita sa ating mga lansangan sa mga susunod na henerasyon pero makabago na,” dagdag pa ni Lapid.
Magugunitang isa si Lapid sa pumirma sa isang Senate resolusyon na humihiling na isantabi muna ang PTMP, dating public utility vehicle modernization program, upang mapulido ang programa at matugunan ang mga hinaing ng mga operator at mahihirap na tsuper sa bansa.
Ilan sa mga reklamo ng mga transport group ang napakamahal na presyo ng mga modern public utility vehicle na mini-bus ang disensyo at inaangkat pa sa China at kakulangan sa subsidiya upang makabili nito.
Bilang pagsuporta sa PUV modernization, kasama ni Lapid sa kanyang motorcade ang dalawang traditionally-designed aircon jeepney sa Muntinlupa at Las Pinas cities nitong Martes.
Si Lapid na tumatakbo para sa kanyang ikaapat na termino sa Senado ay mainit na sinalubong ng mga kababayan natin sa lungsod ng Taguig nitong Martes ng hapon.





Photo courtesy: Team Sen. Lito Lapid

