Daet, Camarines Norte – Isang matagumpay na operasyon kontra ilegal na droga ang isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Daet Municipal Police Station, Camarines Norte Provincial Intelligence Unit/Provincial Police Drug Enforcement Unit (CNPIU/PPDEU), at Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office V (PDEA ROV), na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang hinihinalang tulak ng droga.
Ang operasyon ay isinagawa dakong 12:50 ng madaling araw nitong Mayo 10, 2025 sa Monteville Homes, Barangay Mancruz, Daet, Camarines Norte. Kinilala ang suspek sa alyas na “Jay,” 32 taong gulang, residente ng Purok 7, Barangay V sa parehong bayan.
Ayon sa ulat ng Daet MPS, isang undercover operative ang nakabili ng isang sachet ng hinihinalang shabu mula sa suspek, dahilan upang siya ay agad na maaresto.
Samantala, patuloy pang inaalam ng mga imbestigador ang eksaktong bigat at halaga ng nakumpiskang ebidensya.
Ang imbentaryo at pagmarka sa mga ebidensiya ay isinagawa sa harap ng isang opisyal ng Barangay Mancruz at isang kinatawan ng media, bilang bahagi ng pagsunod sa legal na proseso at pagtitiyak ng transparency sa operasyon.
Matapos ang pag-aresto, agad na ipinaalam kay “Jay” ang kanyang mga karapatan at dinala siya sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa kinakailangang medikal na pagsusuri. Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na siya ng Daet Municipal Police Station para sa karampatang dokumentasyon at pagsasampa ng kaso.

Source: CNPPO PIO

