SUSPEK SA PAMAMARIL AT PANANAKSAK NA IKINASAWI NG DALAWA KATAO AT IKINASUGAT NG DALAWA PA SA BAYAN NG PARACALE, NAHULI NA NG PARACALE PNP

SUSPEK SA PAMAMARIL AT PANANAKSAK NA IKINASAWI NG DALAWA KATAO AT IKINASUGAT NG DALAWA PA SA BAYAN NG PARACALE, NAHULI NA NG PARACALE PNP

Paracale, Camarines Norte — Nahuli na ng Paracale PNP sa pamumuno ni PMAJ ARKHEMEDES C GARCIA ang suspek sa karumal-dumal na pamamaril at pananaksak na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang katao at pagkakasugat ng dalawa pa sa Purok 7, Brgy. Gumaus noong umaga ng Hunyo 4, 2025.

Matatandaan na ang insidente ay naganap bandang alas-5:05 ng umaga noong June 4, 2025. Agad itong nirespondehan ng mga tauhan ng Paracale MPS. Napag-alaman na ang napatay ng suspek ay ang mismong panganay na kapatid at kinakasama nito. Nadamay rin at tinamaan ng bala sa binti ang isa pang biktima at pamangkin nito na  nagtamo ng galos sa katawan.

Sa walang patid na paghahanap ng pulisya ng Paracale MPS, bandang alas-11:30 ng umaga, nitong Hulyo 7, 2025, matagumpay na nahuli ang suspek na natagpuan sa masukal na bahagi ng  kanilang barangay sa tulong ng isang concerned citizen at positibo itong kinilala ng kanyang pamangkin. 

Ang suspek ay binigyan ng kanyang mga karapatang konstitusyonal at dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital para sa medikal na pagsusuri.  Sa kasalukuyan ang suspek ay nasa pangangalaga na ng Paracale MPS.

Tiniyak ng Paracale MPS na kanilang isusulong ang agarang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspek. Patuloy rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamilya ng mga biktima upang matiyak ang pag-usad ng hustisya. Nanawagan ang PNP sa publiko na patuloy na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang katiwasayan at seguridad sa kanilang bayan.

Source: CNPPO PIO