Marso 23, 2018, Daet, Camarines Norte – Makapal at maitim na usok ang sumalubong sa may ari ng isang junk shop sa Purok 6, Brgy. Magang, Daet, Camarines Norte matapos sumiklab ang apoy sa mga nakaimbak na mga scrap materials dito.
Dakong 1:30 ng hapon kahapon, Marso 22, 2018 nang magsimula ang apoy na mabilis kumalat dahil na rin sa mainit na panahon.
Labis ang panlulumo ng may ari ng naturang junkshop na kinilalang si Christian Limboy na kababalik lamang umano sa nasambit na lugar mula sa paghahatid sa kanyang anak sa paaralan nang madatang nasusunog na ang junk shop.
Samantala mabilis namang naapula ang apoy sa pamamagitan ng mga rumispondeng personel ng BFP Daet sa pamumuno ni Daet Fire Marshall SInsp. Adonis Osea katuwang ang BFP Basud, BFP Mercedes at Filipino-Chinese Fire Volunteers.
Dakong 2:08 o halos tatlumpong minuto lamang ang nakalipas nang ideklarang fire under control ang insidente at wala namang naitalang ibang bahay na nadamay dito.
Patuloy ang isiasagawang imbestigasyon sa naging sanhi ng sunog habang inaalam na rin kabuuang halaga ng pinsalang dulot nito.
Camarines Norte News