PRODUKTONG AGRIKULTURAL SA LALAWIGAN NG CAMARINES NORTE, NANANATILI PA RING STABLE ANG PRODUKSYON SA KABILA NG BANTA NG COVID-19

PRODUKTONG AGRIKULTURAL SA LALAWIGAN NG CAMARINES NORTE, NANANATILI PA RING STABLE ANG PRODUKSYON SA KABILA NG BANTA NG COVID-19

Daet, Camarines Norte, Abril 6, 2020 – Sapat ang mga produktong agikultura sa lalawigan ng Camarines Norte na tutugon sa mga pangangailangan partikular na sa pagkain sa gitna ng nararanasang banta ng Coronavirus (COVID–19) sa bansa ayon sa tanggapan ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg).

Ayon kay Engr. Almirante A. Abad, Provincial Agriculturist ng panlalawigang agrikultura, kahit nahihirapan ang mga magsasaka na pumunta sa kanilang tanggaan upang magpaabot ng kanilang suliranin dahil sa ipinapatupad na community quarantine ay patuloy pa rin na nagkakaroon ng produksiyon sa kanilang mga produkto.

Aniya, sa ngayon ay marami at sapat pa rin ang mga produktong agrikultura na mabibili sa mga pamilihang bayan batay sa kanilang isinagawang imbentaryo na kayang ikonsumo ng mga mamamayan ng Camarines Norte. Ayon pa rin kay Abad, ang mga magsasaka natin sa kasalukuyan ay umaani na ng kanilang mga palay na malaking karagdagan sa suplay ng bigas sa ating lalawigan.

Ang pamahalaang panlalawigan naman sa pangunguna ni Gobernador Edgardo A. Tallado ay binuo ang Provincial Price Coordinating Council na magmomonitor sa mga presyo ng mga bilihin ng mga produktong agrikultura. Ito ay upang mapigilan ang maaaring pagtaas o banta sa presyo ng mga agrikultura dahil na rin sa mga natatanggap o nagpapaabot na tumataas ang halaga ng mga agricultural products sa mga pamilihang bayan sa Camarines Norte.

Ayon pa rin kay Abad, sa ngayon ay nagsasagawa na ang kanilang tanggapan ng pagmomonitor sa pamamagitan ng technical staff ng prize monitoring team upang mabantayan ang presyo ng mga produktong agrikultura sa lalawigan. Mayroon rin na memorandum si Gobernador Tallado para sa mga magtitinda upang sundin ang tamang presyo o prize freeze na inilabas ng tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) base sa talaan ng OPAg sa nakaraang tatlong buwan.

Paalala pa rin ni Abad sa mga magsasaka na lumabas ng kanilang tahanan at humingi ng quarantine pass sa kanilang mga lugar upang masiguro ng barangay na hindi sila kabilang sa mga Persons Under Monitoring (PUM) at ligtas sa mga taong makakahalubilo sa kanilang mga sakahan.

Samantala, hiniling naman ng kalihim ng agrikultura sa pamamagitan ng inilabas na memorandum na bigyan ng daan o payagan na makalabas ang mga magsasaka upang makadaan sa mga checkpoint at mapuntahan ang kanilang mga sinasaka para mapatubigan o anihin at mapangalagaan ang mga tanim.

Dahil kung hindi ito mapapangalagaan ay maraming masasayang at masisira na produktong agrikultura na mas higit nating kailangan sa ngayon ang pagkain kaya hinihikayat pa rin ang mga magsasaka na mabisita ang kanilang mga taniman. (Reyjun Villamonte, Camarines Norte News)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *