DALAWANG KABATAAN NASAWI, DALAWA SUGATAN SA SALPUKAN NG MOTORSIKLO SA TALISAY, CAMARINES NORTE

DALAWANG KABATAAN NASAWI, DALAWA SUGATAN SA SALPUKAN NG MOTORSIKLO SA TALISAY, CAMARINES NORTE

Talisay, Camarines Norte – Dalawang kabataan ang nasawi habang dalawa ang sugatan sa isang malagim na aksidente sa kalsada sa may bahagi ng Purok 5, Barangay San Francisco, Talisay, Camarines Norte nitong Pebrero 16, 2025, bandang ala-una ng madaling araw.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, binabaybay ng isang Honda Click (vehicle 1) na minamaneho ni alyas “Jay”, , 17 anyos at residente ng Barangay San Roque, Mercedes, Camarines Norte, ang kahabaan ng Provincial Road patungo sa Barangay San Jose nang ito ay aksidenteng sumagi sa kaliwang bahagi ng kasabay nitong Euro 150 (vehicle 2), na minamaneho ni “Migz”, 16 anyos at residente rin ng Barangay San Roque, Mercedes, Camarines Norte. Dahil sa insidente, bumangga ang motorsiklong minamaneho ni ”Jay” sa isang boundary marker post, na nagresulta sa matinding pinsala sa parehong sasakyan.

Dahil sa lakas ng banggaan, agad na dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) sina “Jay” at ang kanyang pasahero na kinilalang si “Nanz”, 17 anyos at isang Grade 11 student mula sa Barangay San Francisco, Talisay, Camarines Norte. Gayunman, idineklara silang Dead on Arrival ng mga doktor. Samantala, nagtamo rin ng mga pinsala sa katawan sina “Migz” at ang kanyang pasahero, na kinilala sa alyas na “Shane”, 16 anyos at isa ring Grade 11 student mula sa Barangay San Francisco, at agad silang isinugod sa parehong ospital para sa agarang medikal na atensyon.

Nabatid naman sa imbestigasyon na parehong walang lisensya ang mga menor de edad na nagmamaneho ng dalawang motorsiklo. Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente upang matukoy ang iba pang dahilan na maaaring naging sanhi ng aksidente.

Nagpaalala ang lokal na pamahalaan at ang pulisya sa publiko, lalo na sa mga magulang, na mahigpit na ipinatutupad ang batas hinggil sa wastong edad at lisensya sa pagmamaneho upang maiwasan ang ganitong mga trahedya. Samantala, ipinaaabot ng CNPPO ang lubos pakikiramay ng pulisya sa pamilyang naiwan ng mga biktima.

Releaser: 

PMAJ MARVIN C HUGOS 

Public Information Officer