Itinalaga ni Pope Francis si Rev. Fr. Ronald Anthony Timoner ng Diocese of Daet bilang bagong Bishop ng Diocese of Pagadian. Papalitan niya si dating Bishop Ronald Lunas na pumanaw noong January 2,2024.
Inihayag ng Vatican ang magandang balita na ito noong Miyerkules, April 2, 2025 ng tanghali (6:00pm PH time).
Ipinanganak si Fr. Timoner noong 1971, nag-aral ng Philosophy sa Holy Rosary Major Seminary sa Naga City at Theology sa University of Santo Tomas Central Seminary sa Manila.
Inordenahan siya bilang isang pari sa Diyoses ng Daet noong May 1, 1997.
Matapos niyang magsilbi sa ilang mga parish assignment tulad ng pagiging formator niya sa Holy Trinity College sa Daet, Camarines Norte, ay pumunta siyang Milan, Italy upang mag-aral kung saan nagsilbi rin siya bilang Chaplain ng Church of Saint Thomas.
Nang nakabalik siya ng Pilipinas noong 2008, nagsilbi siya bilang Chancellor ng Diyoses ng Daet na tinalaga ni Archbishop Gilbert Garcera, at tininalaga bilang Vicar General noong 2019 ni Archbishop Rex Andrew Alarcon.
Si Fr. Ronald Anthony Timoner ay kasalukuyang nagsisilbi bilang Diocesan Administrator ng Daet. Simula 2015 si Fr. Timoner ay Direktor rin ng Socio-Pastoral Action Center Foundation ng Daet at naging Parish Priest ng Parroquia de San Juan Bautista ng Daet noong 2017.
Si Fr. Ronald Anthony Timoner ay nakababatang kapatid ni Fr. Gerard Francisco Timoner, ang first Asian at kasalukuyang Head ng Order of Preachers, na kilala rin bilang Dominican Order.
Bilang bagong Bishop ng Pagadian, pangangasiwaan niya ang nasa 1.3 milyong katao, at 80 percent nito ay mga katoliko at mayroong dalawamput-anim (26) na parokya.

Photo: Diocese of Daet/Facebook