LALAKING NANUTOK NG TOY GUN SA BAYAN NG TALISAY, ARESTADO NG KAPULISAN

LALAKING NANUTOK NG TOY GUN SA BAYAN NG TALISAY, ARESTADO NG KAPULISAN

Arestado ng mga tauhan ng Talisay Municipal Police Station ang isang lalaki matapos itong manutok ng pekeng baril sa isang kapwa residente ng Brgy. San Isidro.

Bandang 10:30 ng umaga ng Abril 16, 2025, iniulat ng biktimang si alyas Jom, 24 anyos, sa Talisay MPS na siya ay tinutukan ng baril ng suspek na kinilalang si alyas Delio, 49 anyos, may asawa, at residente rin ng Brgy. San Isidro. Agad namang rumesponde ang mga pulis sa lugar ng insidente sa kahabaan ng Maharlika Highway, Purok 1 ng nasabing barangay.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alamang ang suspek ay lulan ng motorsiklo at tinangkang mag-U-turn nang dumaan si alyas Jom na nakamotorsiklo rin. Huminto si Jom mga pitong metro ang layo, bumaba sa motorsiklo at nilapitan ang suspek. Bigla umanong bumunot ng baril si Delio habang si Jom ay dumampot ng bato at ibinato ito sa suspek. Dito na tinutukan ng baril ni Delio ang biktima.

Dahil dito, nagsagawa ng hot-pursuit operation ang Talisay MPS na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek. Nasamsam din mula sa kanya ang isang replika ng 9mm na laruan o toy gun.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Talisay MPS ang suspek para sa tamang disposisyon at posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso.

Source: CNPPO PIO