Kahapon, Enero 20, mahigpit nang ipinapatupad sa bayan ng Daet, Camarines Norte ang Smoking Ban alinsunod na rin sa mga kasalukuyang Ordinansang ipinapatupad ng nasabing bayan.
Ayon sa Municipal Ordinance No. 252-2013, ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga “enclosed” at “confined” na pampublikong lugar katulad ng ospital, eskwelahan, terminal, opisina, hotel, restaurant at malls.
Ang mga lalabag rito ay maaaring pagmultahin ng P1,500 para sa unang paglabag, at P2,500 para sa pangalawang panglabag, pagkansela ng permit, pagpapasara ng negosyo o pagkakakulong ng tatlumpung (30) araw hanggang anim (6) na buwan (o pareho) depende sa magiging desisyon ng korte.
Mahigpit rin ipapatupad ang Municipal Ordinance No. 517-2023, na nagbabawal sa pagbebenta, pagbibigay o paggamit ng vaporized nicotine at non-nicotine products at novel tobacco products sa menor de edad.
Ang lalabag rito ay maaaring pagmultahin ng P2,500 o maaari din makulong ng hanggang anim (6) na buwan depende sa desisyon ng korte.
Layunin nito na mas magkaroon ng malusog na kapaligiran ang mga Daeteño at maging ang mga magiging bisita ng nasabing bayan.

Source: MENRO Daet/ Camarines Norte Provincial Information Office

